Thursday, July 4, 2013

Ang Pitong Huling Wika ni Jesus Cristo sa Krus

Madaling sabihing naging magiting ang isang tao sa pagkamatay. Si Jose Rizal, Andres Bonifacio at ilang mga kilalang tao ang pinagpilian upang maging bayani ng sarili nating sinilangan. Sa kabila nito, napili si Rizal bilang pambansang bayani sa kadahilanang mas madula ang kwento ng buhay nito kaysa ibang mga kasamahan.
Inaala-ala natin taon-taon ang mga bagay na nagawa ng kinilalang pambansang bayani. Ngunit ang madulang buhay nito at ang pagbubuwis ng buhay upang ang tao’y mamulat sa katotohana’y kailan ma’y hindi mapapantayan ang ginawang pagliligtas sa atin ng Diyos na makapangyarihan sa lahat, si Jesus Cristo.
Ang pagkapako sa Krus ni Cristo ang naging daan upang ang tao’y mapawalang-sala sa sarili nitong kasalan. Ang sakit at latay ng hagupit, pagpapahirap ng mga taong ni kaunti’y hindi kinakitaan ng awa, pagkutya kay Cristo at ang pagkakanulo ay ilan lamang sa mga bagay na ginawa ng tao laban kay Cristo. Sa kabila ng lahat ng ito’y nanaig pa din ang pagmamahal sa atin ni Jesus. Kung susuriing maigi ang kwento ng buhay ng bawat panig, higit na mas madula, mas malaman, puno ng aral at katotohanan ang kwento ng buhay ni Cristo sa mundo at karapat dapat na alalahanin. Ito ay higit na nagpapakita ng katapangan, kagitingan, kadakilaan at ng higit na pagmamahal sa bayan at sa tao.
Upang sariwain at gunitain ang kadakilaang ginawa ni Jesus, binigyang buhay ito sa pamamagitan ng pag-aawitan, sabayang pagbigkas, paghahandog ng tanging bilang at pagbibigay ng mensahe mula sa ilang namumuno sa iglesia ng ICBC at sa pamamagitan  ng pananalangin.
Ang pitong huling wika ni Jesu-Cristo sa krus ay maiikling salita na kaniyang sinambit bago siya binawian ng buhay sa krus. Ang mga salitang ito ang naging ala-ala niya sa atin bago siya bawian ng buhay:
Una: “Ama, patawarin mo sila, sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” (lucas 23:34)
Ikalawa: “Katotohanang sinasabi Ko sa iyo, sa araw na ito, ikaw ay makakasama Ko sa Paraiso.” (Lucas 23:43)
Ikatlo: “Babae, narito ang iyong anak. Anak, narito ang iyong ina.” (Juan 19:26)
Ika-apat: “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?” (Mateo 27:46)
Ikalima: “Ako ay nauuhaw.” (Juan 19:28)
Ikaanim: “Naganap na.” (Juan 19:30)
Ikapito: “Ama, sa Iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala Ko ang Aking Espiritu.” (Lucas 23:46)
Ipinakikita ng pitong huling wika ni Jesus ang kabuan ng Kaniyang Misyon sa lupa. Ang mga karanasang ito ni Jesus noong mga panahong siya’y pinagkanulo ng mga tao ay mga pangyayaring di dapat niya naranasan. Ngunit sa kabila ng lahat ng hirap na dinanas ng Panginoong Jesus sa Krus, ang mga salitang kaniyang winika bago siya binawian ng buhay ay nagpapakita lamang ng walang katulad na pagmamahal niya sa bawat nilalang ng Diyos. Ito ay upang iligtas tayo sa tinatawag na “kasalanan”.
Sa araw ng pagkamatay ni Jesus, tila natapus na din ang lahat ng kaniyang ginawa, subalit pagkatapos ng pagkamatay ni Jesus, nasaksihan ng isang isang kapitan, opisyal ng mga kawal na naroon ang lahat ng nagaganap at nangyayari at siya’y nagpuri sa Diyos at sinabing, "Tunay ngang matuwid ang taong ito!" (Lucas 23:47). "Ang nangyaring ito'y nakita ng lahat ng taong nagkakatipon at nagmamasid; at umuwi silang dinadagukan ang kanilang dibdib.” (Lucas 23:48) dagdag pa rito.
Karapat dapat lamang na tularan si Jesus sapagkat siya’y tunay na dakila’t matuwid. Ayon kay Pedro, isa sa mga alagad ni Jesus "Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkahirang sa inyo ng Diyos; sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng halimbawang dapat na tularan" (1 Pedro 2:21).
Naging isang lakbayin ang mithiin ng mga taong mapalago ang kanilang pananampalataya at pagsunod kay Cristo. Ito ang naging pasimula ng isang uri ng bagong "Exodus". Maging sa mga araw na ito’y patuloy padin ang lakbayin ng ating pananampalataya patungo sa pagsunod kay Cristo para sa buhay na walang hanggan.
Ang kahalagan ng diwa ng mga pitong wika ng Panginoon sa krus ay isang makabuluhang pahiwatig sa matagumpay na mensahe ng pagkabuhay na mag-uli ni Jesus. Ang buod ng pitong wika ni Jesus ay makikita sa Isaias 53:5-8 na naglalaman ng: “Dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan. Siya ay binugbog dahil sa ating mga kasalanan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na tinamo niya. At sa mga hampas na kanyang tinanggap. Tayong lahat ay prang mga tupang naligaw. Nagkanya-kanya tayo ng lakad. Ngunit inibig ni Yahweh na sa Kanya ipataw ang parusang tayo and dapat tumanggap. Siya ay binugbog at pinahirapan, ngunit di tumutol kahit kamunti man. Tulad ng korderong hatid sa patayan parang mga tupang hindi tumututol kahit na gupitan, ni hindi umimik kahit gaputok man. Nang siya’y hulihin, hatulan at dalhin sa dakong patayan, wala man lang dumamay. Siya ay piñata dahil sa sala ng sangkatauhan.”
Ang kamatayan ni Jesus sa krus ng kalbaryo ay isang tagumpay ng Tagapagligtas upang mapatawad ang kasalanan at mawala ang kamatayang nakapataw sa mga tao. Ang huling pitong wika ni Cristo’y isang susi sa pintuan sa malawak na biyaya at walang hanggang pagmamahal ng Diyos sa bawat tao. Ang resulta ng lahat ng sakripisyo at paghihirap ni Jesus sa Krus ay maghahatid ng kapatawaran ng mga kasalanan at higit sa lahat, upang makaabot sa buhay na walang hanggan.


No comments:

Post a Comment